MGA PANALALANGING PANGSANGGALAN BAGO MAGLINGKOD
Ang isa o ang lahat ng mga sumusunod na panalangin ay maaaring dasalin araw-araw ng mga volunteers sa liberation ministry ng parokya lalu’t higit bago magsimula ang liberation sessions.
A. For the Self
Protection Prayers 1
Namumuno:
Panginoong Hesus, ipagsanggalan Mo po ang aming pamilya, (N. – apelyido ng pamilya), sa lahat ng karamdaman, ng kasamaan o perhuwisyo at mga sakuna’t kapahamakan.
Kung mayroon mang isa sa aming pamilya ang napasa-ilalim sa masamang kapangyarihan ng sumpa, kulam, o maka-enkantong bulong, sa Kapangyarihan Mo, Hesu-Kristong aming Diyos, ay ipawalang-bisa Mo po at alisan ng kapangyarihan ang mga sumpa, kulam o maka-engkantong bulong na ipinadala sa akin at sa kahit kaninong tao na naririto, lalu’t higit, kay (N- ngalan ng biktima).
Kung mayroong masasamang espiritung ipinadala laban sa amin at kay (N), ito ay pina-wawalang bisa Mo, O Hesu-Kristong Diyos at Panginoon namin. At lahat ng kasamaang ito’y Iyong pinalalayas upang pumaroon sa paanan Mo, na Siyang mamamahala sa kanilang sasapitin.
Magkagayon, Panginoon, ipadala sa amin ang Inyong mga anghel upang kami ay bantayan, gabayan at ipangsanggalan. Amen.
Or:
Protection Prayers 2
Namumuno:
Makapangyarihang Diyos, aming Ama, huwag Mo pong hayaang manaig ang kalaban sa amin, o dili kaya’y hayaang magkaroon ng kapangyarihan ang kasamaan upang kami ay usigin. Ang aming pananampalataya ay nasa Inyo na maygawa ng langit at lupa, at hindi lamang nasa aming paniniwala at mga dalangin. Bagkus, ito ay nasa Inyo lamang; sa Inyo na maka-pangyayari ng lahat ng bagay kung Inyong nanaisin.
Kaya, Ama, maawa po kayo sa amin. Gawaran Mo po kami ng biyaya ng taos-pusong pagsisisi nang kami ay mahugasan sa lahat ng aming pagkahilig sa kasalanan, mga makasalanang balak at ala-ala. Palayain Mo po ang aming mayabang na paniniwalang kaparusahan lamang ang nararapat sa aming buhay.
Patawarin Mo po kami, Panginoon, upang sa matuwid na ugnayan kay Hesu-Kristo, bilang mga kaanib sa Kaniyang Katawang Mistiko, ay aming akuin ang kapangyarihan laban sa lahat ng masasamang espiritu.
Ipadala sa amin ang Iyong Espiritu Santo upang hugasan ng kapatawaran ang aming mga puso at maging bukas sa pagpapatawad sa lahat ng nagka-sala sa amin. Hayaan Mong ang Espiritu Santo ang magbigay liwanag sa aming mga isipan at kalooban upang ipahayag ang bilin ni Hesu-Kristo sa amin: “Habang kayo’y humahayo sa buong mundo, ay ipangaral ninyo sa lahat ng tao ang Magandang Balita … sa Pangalan Ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita … at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay.” (Mk 16:15-18) Amen.
Or:
Protection Prayers 3
Namumuno:
Sa Ngalan ni Hesu-Kristo, Panginoon at Diyos, sa kapangyarihan ng Kaniyang Kabanal-banalang Dugong inialay sa Krus ng Kalbaryo, bilang mga kaanib ng Kaniyang Katawang Mistiko at puspos ng Espiritu Santo, ay ginagapos ng Diyos ang lahat ng masasamang espiritung hindi sumasamba sa Santisima Trindad. At Kaniyang tinututulan at pinipigilan ang lahat ng panghihimasok, pakiki-alam at panunuya ng mga espiritung ito laban sa paglilingkod na ginagampanan namin, bilang Kaniyang mga Anak ng Liwanag, bilang mga anak ng Diyos.
Inuutusan kayo ng Diyos na Makapangyarihan na huwag saktan, salingin, usigin at pahirapan kaming Kaniyang mga alagad ng paghilom, at gayun din ang lahat ng aming mga mahal sa buhay, ang aming mga pamilya, kaibigan, kapit-bahay o mga kakilala, o mga ari-arian at pati ang mga alagang hayop sa aming tahanan at kapaligiran, ngayon at sa hinaharap.
Hinihiling namin sa Diyos na ipadala sa amin ang mga Anghel sa kalangitan upang hadlangan ang ano mang “psychic powers” na ipinadala laban sa amin ngayon. Ipawalang bisa ang lahat ng kapangyarihan ng kulam, barang at mga sumpang galing sa masasamang espiritung ipinadala noon at ipinadadala ngayon, at sa hinaharap, laban sa amin na naririto upang maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng “healing ministry” na ito.
Sa Kapangyarihan ng Dugo ni Hesu-Kristo ay kinakalasan ng Diyos ang lahat ng “evil bondages,” at “linkages” na umaalipin sa tao o sa pamayanan na aming pinaglilingkuran ngayon. Kinakalas ng Diyos ang lahat ng “evil bondages” at “evil linkages” na gumagapi sa lugar na aming kinatatayuan ngayon sa Dakilang Ngalan ni Hesu-Kristong aming Dios, magpakailan man. Amen.
B. To St. Michael, the Archangel
Prayer to St. Michael, Archangel 1
Lahat:
San Miguel Arkanghel, ampunin mo kami sa labanan na ito at maging bantay ka nawa namin sa kalupitan at sa mga silo ng demonyo. Sugpuin nawa siya ng Diyos, na ipinagmamakaawa namin sa iyo, ikaw na Prinsipe ng mga Hukbo sa Langit.
Sa kapangyarihan ng Diyos, ibulid mo sa kailaliman ng impiyerno, si Satanas at ang lahat ng malulupit na espiritu na gumagala sa sanlibutan at nagpapahamak sa mga kaluluwa. Amen.
Or:
Prayer to St. Michael, Archangel 2
Lahat:
Maluwalhating Prinsipe ng Makalangit na Hukbo, San Miguel Arkhangel, ipagtanggol kami sa aming pakikipag-digmaan laban “sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, at sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito—ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid”(Efeso 6:12). Saklolohan mo kaming sangkatauhan, kaming nilikha sa imahen at anyo ng Diyos, kami na Kaniyang tinubos nang lubos laban sa paniniil ng diyablo.
Ikaw na pinag-pipitaganan at pinipintakasing tagapag-alaga at tagapagtanggol ng Santa Iglesia, Ikaw na inatasang gumabay sa mga kaluluwa patungo sa Langit, idalangin mo po sa Diyos ng Kapayapaan na pasukuin sa paanan ng Diyos si Satanas, nang hindi na niya mabihag pa ang sangkatauhan at sirain ang pagkakaisa at ngalan ng Santa Iglesia.
Ihatag ang aming mga dalangin sa Kataas-taasang Diyos, nang ang Kaniyang dakilang Awa ay kagyat na sumaklolo sa amin. Sakupin ang “dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, talian at ihagis siya sa napaka-lalim na hukay upang hindi na siya makalabas at makapandaya pa sa mga bansa.” (Pahayag 20:2-3) Amen.
C. To the Blessed Mother
Prayer to the Blessed Virgin Mary
Namumuno:
Mahal na Ina, Birheng Maria, pakumbabang nagsusumamo na ipagsanggalan mo po ako, ang lahat ng naririto at ang lahat ng mga mahal namin sa buhay gayun din ang lahat ng aming mga ari-arian, sa lahat ng uri ng panliligalig at paghihiganti mula sa masasamang espiritu habang kami ay nasa gawaing maka-Diyos ng pagpapalaya ng mga taong inuusig at pinahihirapan ng mga demonyo at sa gawain ng pagpapalayas sa mga ito.
Yakapin mo po kami sa iyong maka-inang pagkalinga at pagkupkop, kaming iyong mga anak. Mamagitan ka po sa amin at sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat, upang ang lahat ng aming gawain, pag-iisip at mga salita ay ma-ayon lamang sa ika-luluwalhati at ika-pupuri ng ating Ama. Amen.