I. Prayers: Mental Illness

I. MENTAL ILLNESSES

A. PRAYER FOR HEALING OF ILLNESSES OF THE MIND

Biktima:
O Panginoon † kong Diyos,
Ikaw lamang ang nakababatid ng lahat
Ng aking pinagdaanang paghihirap
At lahat ng pinagdaraanan ko ngayon.
Batid mo kung gaanong kahirap dalhin
Ang aking mga ugnayan sa aking kapwa,
At lalung higit, sa aking mga mahal sa buhay,
dahil sa aking dinadalang karamdaman sa pag-iisip.

Batid kong nadarama Mo
ang bawa’t pasakit na dulot ko
Sa aking mga mahal sa buhay at sa aking kapwa
Sa bawa’t pag atake ng aking karamdaman.
Patawarin Mo po ako, O Diyos ko,
kung dahil sa aking kapabayaan
sa aking katawan at isipan
Ay sinapit ko ang kalalagayang ganito.
Patawarin Mo po ako, O Diyos ko,
Kung dahil sa aking kahinaan ng loob,
O dahil sa aking kayabangan,
ay hindi ako kaagad humingi ng saklolo
Sa Iyo at sa aking kapwa upang kagyat
Na mabigyang lunas ang karamdamang ito.

Nagsusumamo ako sa Iyo,
O Diyos † Amang Makapangyarihan,
Maawa po Kayo sa akin.
Pagalingin Mo po ang lahat ng mga taong
Mayroong ganitong karamdaman sa pag-iisip.
Palayasin Mo po sa kanilang katawan ang espiritu ng
Karamdaman na sanhi ng paniniil at pambubuyo
Sa kanilang mga isipan na nananaig sa kanilang
Paningin, pandinig at pandama.
Linisan at hugasan ang kanilang mga mata
Ng Iyong Kamahal-mahalang Dugo upang tumigil
Ang mga pangitaing gumagambala
sa kanilang pag-iisip.
Linisan at hugasan ang pandinig ng kanilang isipan
Ng Iyong Kamahal-mahalang Dugo upang tumigil
Ang mga tinig na nambubuyo sa kanilang pag-iisip.
Linisan at hugasan ang pandama ng kanilang katawan
Ng Iyong Banal na Katawan upang tumigil
Ang mga nakapangingilabot na nararamdaman
Ng kanilang pag-iisip sanhi ng takot
Na salungat sa Pag-ibig Mong wagas.

Hilumin Mo, O Panginoon ko † at Diyos ko,
Ang puso nilang sugatan, sa pamamagitan ng
Kamahal-mahalang Puso ni Hesu-Kristong Anak Mo.
Pagalingin ang bawa’t sugat na nagbuhat sa anumang
Masamang karanasang pinagdaanan
mula pa sa kanilang kabataan,
na magpasa-hanggang ngayon
Ay dinadala pa rin nila sa kanilang kamalayan
At umuusig, naniniil at nambubuyo sa kanila
Kahit sa pagtulog, sa pamamagitan ng mga panaginip.

At kung Inyong mamarapatin, O † Panginoon ko,
Gawaran Mo po ako ng gayun ding paghilom
Sa tulong ng mga panalangin ng aking Mahal na Ina,
Birheng Maria at ng mga Banal sa Kalangitan. Amen.

B. PRAYER TO GOD FOR HEALING OF NERVOUS AND MENTAL DISORDERS THROUGH ST. DYMPHNA

Biktima:
O Panginoon † kong Diyos,
Ikaw na humirang kay Sta. Dimfna na maging patron
Ng mga kinapitan ng nervous at mental disorders,
At Ikaw na naging sanhi upang siya ay
Maging inspirayon at simbolo ng pagkalinga’t pagibig
Para sa napakaraming humihiling
sa kaniyang pamamagitan,
Ipagkaloob Mo po, sa pamamagitan ng dalangin ng
Dalisay na birhen at martir na ito,
Ang kagalingan at wagas na paghilom
ng lahat ng mga taong
Nagdurusa sa mga paniniil at pambubuyo
Na dulot ng karamdaman sa pandama at kaisipan.
Ipagkaloob Mo po ang kagalingan sa pag-iisip at puso
Ng mga taong puspos ng takot,
pagdududa at paghihinala
Laban sa sarili at kapwa at
maging laban sa Iyo, sanhi ng
Trauma sa kanilang nakaraan.

Sa tulong ng mga dalangin ni Sta. Dimfna,
Palayasin Mo po, Panginoon ko,
ang lahat ng uri ng pambubuyo
Sa isipan at katawan ng mga dumadalangin sa Iyo.
Nasa Kapangyarihan Mo po ang patigilin
ang lahat ng pagdaloy
Ng mga masamang guni-guni
at delusyon sa isipan ng
Inyong mga nilalang, at ang lahat
ng mga visual at auditory hallucinations
Lalu’t higit ang mga bulong na
nag-uudyok gumawa ng kasamaan
Laban sa Iyo, sa kapwa at sa sarili.

Sa tulong ng mga dalangin ni Sta. Dimfna,
Ay gawaran Mo ng paghilom ang kanilang mga isipan.
Kung sila man ay mayroong
Dissociative Identity Disorder,
Schizophrenia, Bipolar disorder, Delusional disorder,
O anumang karamdaman sa pag-iisip,
Ikaw lamang ang nakababatid ng karampatang paraan
Upang matamasa nila ang kaginhawahang
Inaasam ng kanilang katawan, kaluluwa’t espiritu.
Gawaran Mo po sila ng kapatawaran kung hindi
Man sila makabaling ngayon sa Iyo
Sanhi ng kanilang karamdaman.

At kung Inyong mamarapatin, † O Panginoon ko,
Gawaran Mo po ako ng gayun ding
kapatawaran at paghilom
Sa tulong ng mga panalangin ng aking Mahal na Ina,
Birheng Maria, ni Sta. Dimfna at ng mga Banal sa Kalangitan. Amen.

C. PRAYER TO GOD FOR HEALING OF MENTAL ILLNESSES THROUGH ST. BENEDICT JOSEPH LABRE

Biktima:
O Panginoon † kong Diyos,
Ikaw po ang inspirasyon at buhay
ni San Benito Jose Labre,
Upang talikdan ang dangal, salapi,
at tahanan alang-alang
Sa pag-ibig sa Inyong Anak,
si Hesu-Kristong Panginoon namin.
Sa mata ng mundo, siya ay
itinuring na may kapansanan sa pag-iisip,
Nguni’t sa Iyong mga mata,
siya ay baliw sa pag-ibig Mo.

Itinataas ko po sa Inyong paanan, O Diyos,
Ang mga panalangin ko para sa mga
taong nagdurusa dahil
Sa karamdaman ng pag-iisip;
Silang mga nawawalan ng sariling wisyo;
Silang mga nakararanas ng pambubuyo sa isipan,
Dala na marahil ng sobrang kahirapan at gutom;
Silang nawawalan na ng pag-asang
maka-aahon pa sa kahirapan ng buhay;
Silang sinisiil ng pag-aalipusta ng lipunan
dahil sa kanilang mental illnesses;
Silang patuloy na nilalayuan ng lipunan
dahil sa karamdaman ng pag-iisip
Na hindi nila kayang ihanap ng lunas
dahil na rin sa karukhaan.
Silang patuloy na inaapi ng sistemang makamundo
Na nagkukulang sa pagkalinga sa kapwa;
Silang binubuyo ng mga tinig sa isipan
dala ng mga guni-guni at delusyon;
Silang mayroong Autism, Alzheimer’s,
Bi-Polar Disorder, Depression,
Developmental Disabilities, Schizophrenia,
Dissociative Identity Disorder, ADD,
ADHD, Downes Syndrome,

At iba’t-ibang uri ng kapansanan at karamdamang
Ikaw lamang ang nakaaalam.

Sa tulong ng mga dalangin ni San Benito Jose Labre
Ay pagkalooban sila ng paghilom,
O kaya ay kaginhawaan man lamang
Upang makilala ng mundo ang
Iyong Pangalan, O Diyos,
At Ikaw ay purihin ng sangkatauhan magpakailan man.

At kung Inyong mamarapatin, † O Panginoon ko,
Gawaran Mo po ako ng gayun ding paghilom
Sa tulong ng mga panalangin ng aking Mahal na Ina,
Birheng Maria, ni San Benito Jose Labre at ng mga Banal sa Kalangitan. Amen.

D. PRAYER FOR THE HEALING OF INTIMATE WOUNDS

Biktima:
Panginoong † Hesus,
Nagsusumamo akong pumasok Ka sa puso kong aba
At hilumin Mo ang aking sugatang puso.

Palayasin Mo po ang lahat na nagiging sanhi
Ng pagkabalisa sa aking kalooban.
At sa partikular na paraan, igawad Mo po, Panginoon,
Ang Inyong paghilom sa lahat ng mga tao’t bagay
Na nagiging dahilan ng aking pagkakasala
Na siyang ikinasusugat ng Inyong Puso.

Nagsusumamo akong pumasok Ka sa puso kong aba
At hilumin Mo po ang mga
pinsalang emosyonal at sikolohikal
Na humampas sa buhay ko sa aking
kabataan o sa aking nakaraan
At patuloy na nagpapahirap
sa akin magpasa-hanggang ngayon.

Kung ito man ay emotional abuse
na mula sa taong aking pinagkakatiwalaan o iniibig,
O mula sa mga taong hindi ko gaano kilala,
Tulungan Mo po akong wagas na magpatawad.

Kung ito man ay physical abuse
Na mula sa taong aking
pinaglilingkuran at kinakalinga,
O mula sa mga taong hindi ko kilala,
Tulungan Mo po akong wagas na magpatawad.

Kung ito man ay sexual abuse
Na mula sa taong aking nirerespeto at ginagalang
O mula sa mga taong hindi ko nakikilala at naaalala
Tulungan Mo po akong wagas na magpatawad.

Inilalagak ko ang lahat ng mga sugat na ito
Sa paanan Mo, O Hesu-Kristong † Mabuting Pastol,
Na Siyang magpapatawad,
gamit ang puso kong di karapat-dapat.

Hilumin Mo, Panginoong Hesus,
ang aking sugatang puso.
Manahan Ka sa kalooban ko, upang manumbalik
Ang tunay at wagas na kapayapaan
sa aking katawan at isipan.

Palayasin Mo po, sa Inyong Kapangyarihan,
Ang lahat ng espiritung masasama
Na nambubuyo at nanunukso
sa akin nang walang humpay
Na ulit-ulitin ang mga kasalanang nakagawian,
Na umiwas sa Sakramento ng Kumpisal
O na ipa-isang tabi ang pagsisimba tuwing Linggo
Dahil sa katamaran o kung anu-ano’ng pagdadahilan;
Palayasin Mo po, kung mayroon man,
Ang masasamang espiritu ng
Kayamuan, Inggit at Selos,
Katakawan, Kasakiman, Katamaran,
Kayabangan at Masamang Galit
na umaalipin sa puso ko.
Ito po ay lalung nakasusugat
sa Iyong Kamahal-mahalang Puso.

Hugasan Mo po at linisin, sa Inyong Kapangyarihan,
Ang aking puso upang maging tunay na malaya
Mula sa pagkaka-alipin sa mga bisyo at mga addictions
Na Ikaw lamang at ako ang nakababatid.
Palayain Mo po ang aking personalidad
Sa mga nakagawiang mali at masamang
Pagsasalita, pag-iisip at paniniwala.

Isinusuko kong lahat ito, sa Iyo, † Aking Panginoon,
Nang aking matanggap ang wagas na paghilom mula
Sa Inyong Mapagpalang Kamay,
Diyos magpakailan man. Amen.

E. PRAYER THROUGH THE BLESSED VIRGIN MARY, UNDOER OF KNOTS

Indibidwal / Lahat:
Birheng Maria, Ina ng Makatarungang Pag-ibig,
Ina na hindi tumatanggi sa paghingi
ng tulong ng Iyong mga anak,
Inang ang mga kamay ay
hindi humihinto sa paglilingkod
Sa Iyong pinakamamahal ng mga anak,
Dahil sa Iyong mga kamay ay dumadaloy
Ang banal na pag-ibig at malaking
awang nagmumula sa Iyong puso,
Ibaling sa akin ang Iyong mahabaging pagtingin at
Masdan ang mga pagkakabuhol-buhol sa aking buhay.
Alam mo po nang lubos ang aking kagipitan,
Ang aking mga pasakit, at kung paano
ako nagapos ng mga buhol na ito.

Inang Maria, sa Iyo ipinagkatiwala ng Diyos
Ang pagkakalag ng mga buhol sa buhay ng
Kaniyang mga anak; wala ni isa,
kahit na ang demonyo mismo,
Ang maka-aagaw ng mga buhol na ito
Mula sa iyong pag-iingat at pagkandili.

Sa iyong mga kamay,
walang buhol na hindi makakalag.
Makapangyarihang Ina, sa pamamagitan ng
Iyong biyaya at kapangyarihang mamagitan,
Kasama ng Iyong Anak, si Hesu-Kristong
Aking Tagapagligtas,
Tanggapin Mo sa Iyong mga kamay
ang bawa’t buhol sa aking buhay.

|Bawa’t buhol na nag-gagapos sa akin sa Demonyo
Bawa’t buhol na nagtatali sa akin sa nakagawian at paulit-ulit na kasalanan at mga bisyo
Bawa’t buhol sa aking pag-iisip at kalooban
Bawa’t buhol na umaalipin sa aking emosyon, pagkahumaling, hangarin at mga ugnayan
Bawa’t buhol sa aking katawan, isipan, at espiritu na nagiging balakid upang ibigin ko ang Diyos nang buo kong pagkatao
Bawa’t buhol na naghahadlang sa akin upang ibigin ang kapwa sa paraang ninanais ng Diyos
Isinusuko kong lahat sa Iyo, O Mahal na Ina ng Diyos.| (3x)

Isinasamo ko sa Iyo na kalagan ang mga buhol na ito
Sa ikaluluwalhati ng Diyos, una at higit sa lahat,
Dahil Ikaw ang aking pag-asa.

O Aking Ina, Ikaw ang bukod
tanging kaaliwan ko na galing sa Diyos,
Ang nagpapalakas sa aking kahinaan,
Ang nagpapayaman sa aking karukhaan,
At kasama si Kristo, ang kalayaan
ko mula sa pagkakagapos.

Pakapakinggan Mo po ako.
Panatilihin † ako, gabayan † ako,
ipagsanggalan † ako, O ligtas na kanlungan!
Maria, Tagakalag ng mga Buhol ng Buhay,
Ipanalangin Mo ako.
Amen.

II. THIRD EYE

LEVEL 1: CONSECRATION OF THE NATURAL THIRD EYE (NON-OCCULT)

Biktima:
O Diyos † Amang Makapangyarihan sa Lahat, Ikaw na Maylikha sa Sangtinakpan, Ikaw na Simula at Katapusan ng aking abang buhay, Sa Iyo ang aking hininga at buhay, Sa Iyo ang aking buong katawan.

Patawarin Mo po ako sa aking mga pagkakasala Sa katawang bigay Mo sa akin.

Sa mga pagkakataong inaabuso ko ang templo ng Iyong Pag-ibig sa aking katawan,
Patawad, Panginoon ko, patawad.

Sa mga pagkakataong lubha akong naging abala sa pangangalaga ng aking katawang pisikal sa punto ng pagigig banidoso / banidosa,
Patawad, Panginoon ko, patawad.

Sa mga pagkakataong naging manhid naman ako sa pangangailangan ng aking kapwa Patawad, Panginoon ko, patawad.

Sa mga pagkakataong ginamit ko ang mga pambihirang kakayahang ipinagkaloob Mo sa akin Sa maling kaparaanan, upang panaigan ang ibang tao at manipulahin ang kapwa at mga bagay na likha Mo sa pamamagitan ng huwad na kapangyarihan, Patawad, Panginoon ko, patawad.

Sa aking kawalan ng kababaang loob sa pagkilalala na Ikaw ang pinagmulan ng aking talino at isipan, na Ikaw lamang ang puno’t hangganan ng lahat ng aking mga pambihirang kakayahan, Patawad, Panginoon ko, patawad.

Sa lahat ng aking mga sikretong pagmamalabis at kayabangan, mga sikretong pagkukunwari at kasinungalingan, Patawad, Panginoon ko, patawad.

Itinataas ko sa Iyong mga kamay at pagkakandili ang anumang mga kakayahang saykiko o psychic abilities na taglay ko pa sa aking pagkabata na hinasa ko pa at inensayo sa pagtanda na batid kong hindi pangkaraniwan sa Iyong mga nilikha.

Itinataas ko sa Iyong mga palad at pag-angkin ang anumang mga pambihirang kakayahan ng aking isipan, katawan, kaluluwa at espiritu na naipapamalas ko marahil sa aking gawain at sa aking mga ugnayan, na maaaring naka pagdulot ng kamanghaan sa mata ng ibang nilalang upang maakay lamang sila sa hunghang na paghanga sa aking kakayahan at pagkikilanlan at lalu’t higit kung naakay ko lamang sila upang lumawig ang kanilang pagkahilig sa mga bagay na may kinalaman sa okultismo at esoterismo.

Sa pamamagitang ng Krus † na ito sa aking noo (guguhit ng maliit na krus sa sariling noo gamit ang exorcised oil) ay itinatalaga ko ang mga psychic abilities na ito sa Iyong dakilang kapangyarihan lamang, † O Panginoon Ko, upang ako ay mapagsanggalan ng Iyong pag-ibig laban sa posibleng paniniil at pambubuyo ng masasamang espiritu na naghahangad umangkin sa mga kapangyarihan kong ito.

|Iwinawaksi ko ang lahat ng panunukso at pambubuyo ng masasamang espiritu sa aking buhay – Sa nagdaang panahon, ngayon at sa hinaharap – Na makibahagi sa mga gawaing okulto; Na magpalaganap ng mga katuruang esoterismo; Na gamitin ang kapangyarihang ito upang: Manghula, manggamot, manggayuma, mangulam, magsumpa, makipag-usap sa mga kaluluwa, Magbasa ng nakaraan, sumilip sa isipan ng tao, At kahit upang magpalayas sa mga masasamang espiritu, O magpalawig ng kamalayan at pagsasakatuparan ng mga pamahiin, At lahat ng mga gawaing maaaring palihim o sa isipan lamang na kinasasangkutan ng demonyo at ng kaniyang mga kampon. Iwinawaksi ko ang lahat ng ito.| (3x)

Gayun din, O † Diyos ko, ay nagsusumamo akong (guguhit muli ng maliit na krus sa sariling noo gamit ang exorcised oil) Patigilin Mo sa Iyong kapangyarihan ang lahat ng pagpapakita at pagpaparamdam ng masasamang espiritu na nagsisimula nang mangabuso ng aking psychic abilities at enhanced faculties.

Panginoon † kong Hesu-Kristo, aking Diyos at Tagapagligtas, Tanggapin Mo po ang aking bukas na Third Eye. Ikaw ang maghari at manahan sa aking buong katauhan kasama ng Espiritu † Santo, Diyos, magpasawalang hanggan. Amen.

LEVEL 2: CLOSING OF THE OCCULT THIRD EYE

Biktima:
Amang nasa langit, sa Ngalan ng Iyong Anak, si Hesu-Kristong Panginoon ko at Diyos ko, ay itinatakwil ko si Satanas at ang lahat ng kaniyang mga gawa, kaisipan at panlilinlang.

|Itinatakwil ko ang mga gawa ng pangkukulam, ang paggamit ng mga pamamaraan ng dibinasyon, ang paggamit ng okultong 3rd eye at ng evil eye, ang pagsangguni sa mga kapangyarihang ito, ang pagsangguni sa mga mediums at espiritistas, ang pagpapatingin sa mga albularyong may taglay na kapangyarihang magpagaling mula sa kadiliman, ang pagsangguni sa at paggamit ng Ouija boards, tarot cards at baraha at kung anu-ano pang kagamitan upang magbasa ng nakaraan, pangkasalukuyan o ng hinaharap, ang pagsangguni sa astrolohiya, oroskopyo, numerolohiya, sa pagbabasa ng guhit ng palad, ng mga dahon ng tsa-a o ng tawas, ang lahat ng paniniwala sa mga pamahiin, ang lahat ng pakikipag-usap sa mga kaluluwa ng yumao, ang pakikilahok at paniniwala sa mga gawain ng okultismo at esoterismo at mga gawaing may pagtatangkilik sa gawang masama o tahasang kaugnay si Satanas, alam ko man ito o sanhi ng aking kamangmangan, itinatakwil ko ang lahat ng ito, sa Ngalan ng Panginoong + Hesu-Kristo, na nagkatawang-tao. At sa kapangyarihan ng Kaniyang Krus, ng Kaniyang Dugo at Muling Pagkabuhay, kinakalag ko ang lahat ng pagkakagapos nito sa akin. | (3x)

Ikinukumpisal ko ang lahat ng mga kasalanang ito sa Iyong harapan at nagsusumamo ako sa Iyong kapatawaran upang Iyong linisan. Ipinahahayag ko nang maringal sa aking labi at puso na si Hesu-Kristo lamang ang nag-iisang Anak ng Diyos. Nagsusumamo ako sa Iyo, Panginoong Hesu-kristo, na pumasok Ka at manahan sa puso kong aba, at likhain Mo akong muli ayon sa Iyong nag-iisang sadya para sa akin at sa aking makalangit na buhay.

Nagsusumamo akong ipadala Mo sa akin ang Iyong Espiritu Santo upang papag-baguhin ako ng Kaniyang biyayang nagbibigay buhay at nagpapabanal, tulad nang paghinga Mo ng Espiritu sa mga Apostoles nang Ika’y muling nabuhay, at nang pagtatatak at pagpapaibayong lakas sa kanila noong araw ng Pentekostes.

Salamat po, Makapangyarihang Ama, ayon sa kaluguran ng Inyong kaluwalhatian, sa paglilinis at pagpapalakas ng aking kalooban sa kapangyarihan ng Iyong Espiritu upang manahan sa aking puso si Hesu-Kristo, ang Iyong Anak. Sa pamamagitan ng pananampalataya, nakaugat at at nakasandig sa pag-ibig, nawa ay maunawaan ko, sa tulong ng mga Banal sa kalangitan, ang lawak, haba, taas at lalim ng Pag-ibig ni Kristo, na higit pa sa lahat ng karunungan, sa pamamagitan na rin Niya, si Hesu-Kristong aming Panginoon. Amen.