PANALANGIN LABAN SA PAMUMUGAD AT PANG-GUGULO NG MASASAMANG ESPIRITU
- SA TAHANAN O GUSALI
V. Manalangin tayo sa Panginoon.
R. Panginoon, maawa ka.
Biktima/ Namumuno:
O † Panginoong Diyos ng aming kaligatasan, Anak ng Diyos na buhay, pinalilibutan ng mga Kerubim, Ikaw na naghahari sa lahat ng Pamunuan, Kapangyarihan, Lakas at Kapanginoonan: Ikaw ay dakila at sinasamba ng sangtinakpan. Ikaw ang may likha ng sangkalupaan at ng kalangitan sa Iyong kapangyarihan; ang nag-papainog sa sanlibutan sa Iyong karunungan. Sa tuwing may lindol sa ilalim ng kalangitan, hindi natitinag ang pundasyon ng Iyong nilikha. Sa Iyong salita, kaya Mong hindi pasikatin ang araw. Ikaw ang may takda ng mga bituwin sa langit. Sa Iyong hudyat ay kaya Mong tuyuin ang mga dagat. Ang lahat ng mga Pamunuan at Kapangyarihan ay magkukubli sa takot sa Iyong banal na galit, at mayayanig ang mga bato sa Iyong harapan. Winasak Mo ang mga tansong pintuan at dinudurog ang mga rehas na bakal. Binigkis Mo si Satanas at binasag ang kaniyang mga kagamitan at mga sisidlan. Sa pamamagitan ng Iyong † Krus nilugmok Mo ang manlulupig at pinabagsak Mo ang demonyo sa pamamagitan ng kawit ng Iyong pagkakatawang tao. Sa kaniyang pagkakabagsak, binigkis Mo siya sa lagim ng Tartarus.
Bilang Panginoon, ang pag-asa ng mga nagsusumamo ng kalakasan ng loob mula sa Iyo at ng sandigan ng kagalingan at paghilom mula sa Iyo, ikondena, palayasin at papagbaguhing anyo ang lahat ng makademonyong pagkilos, gawain at pagsasakdal, lahat ng paninirang-puri ng demonyo, at lahat ng iba pang kapangyarihang nasa ilalim ng kaniyang paninilbihan. Palayain Mo po ang lahat ng may taglay ng + tanda ng Krus, na kasindak-sindak laban sa mga demonyo: ang Krus ng Iyong pagwawagi, at sa aming pagsusumamo sa Iyong mapagmahal na Ngalan, palayain Mo po ang lugar na ito mula sa paniniil, pambubuyo at pamumugad ng masasamang espiritu.
Ikaw na nagpalayas sa lehiyon ng mga demonyo, at sa mga demonyo at masasamang espiritu na gumapi sa bingi at pipi. Ang mga ito’y inutusan Mong lumayas at huwag nang bumalik. Nilipol mo ang lahat ng mga hukbong kaaaway at binigyan Mo ng karunungan ang mga tapat na kumikilala sa Iyo. Dahil Iyong ipinangako, “Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil ninyo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway” (Lk 10:19).
Pangalagaan Mo, O Panginoon, ang lahat ng naninirahan at nagtatrabaho sa lugar na ito; ilayo sila sa lahat ng kapahamakan, kapinsalaan at pag-uudyok sa kasamaan, ilayo sila sa lahat ng paniniil, panggugulo at pananakot ng kilabot sa gabi, laban sa mga palasong lumilipad sa araw. Hayaan Mong ang Iyong mga lingkod at mga anak, na nalulugod sa Iyong pagkalinga at pangangalaga ng hukbo ng mga anghel, ay umawit sa Iyo nang may katapatan at sa iisang tinig: “Kapanig ko ang Panginoon, hindi ako matatakot: ano’ng magagawa ng tao laban sa akin? (Ps. 117:6), at sa pagsambit ng, “Lumakad man ako sa lambak ng karimlan, wala akong katatakutang masama pagkat kasama kita” (Ps. 22:4).
Ikaw ang aking taga-pagpatibay, O Diyos, Makapangyarihang Panginoon, Prinsipe ng Kapayapaan, at Ama ng Darating na Panahon, dahil ang Iyong Kaharian ay walang katapusan; sa Iyo lamang ang Kaharian, ang Kapangyarihan at Kaluwalhatian, kasama ng † Ama at ng Espiritu Santo, ngayon at magpakailan man. Amen.
- SA MGA GAMIT AT BAGAY-BAGAY
Biktima/ Namumuno:
Amang nasa langit, nagsusumamo ako (kami), na igapos Mo at palayasin mula sa akin (amin) at sa buong pamilya ko (namin) at sa lahat ng mga nilalang na nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga gamit at bagay-bagay na ito na pinamumugaran ng masasamang espiritu. Naninikluhod ako (kami) na nagsusumamo sa Banal na Dugo ni Hesu-Kristong Panginoon at Diyos ko (namin), upang hugasan at linisan ang mga gamit at bagay-bagay na ito, upang muling akuin ang pagmamay-ari ng mga ito at makalaya sa pananakop ng mga demonyo. Ang mga bagay na ito ang nagdudulot ng kasamaan sa aking (aming) tahanan (gusali) at sa lugar na ito. Sa Iyong pag-angkin ng mga ito ay binabawi Mo ang pangangalaga sa aming buhay.
Palakasin Mo, O Panginoon, ang liwanag ng Iyong pagsanggalan at pagkupkop sa aking (aming) paligid, pamilya at mga mahal sa buhay. Malaking biyaya ang tanging ibigin Ka, O Panginoon. Kaya’t idinadalangin ko rin ang Iyong pag-sakop sa tao o mga taong nagbigay o pinagmulan ng mga gamit at bagay-bagay na ito; palayain Mo po sila sa anumang pagka-alipin sa kasamaan. Tulungan Mo silang maunawaan ang Iyong pamamaraan at basbasan sila.
Hinihiling ko (namin) ito sa pamamagitang na rin ng mga dalangin ng aming Mahal na Ina, Birheng Maria, Ina ng Diyos, sa pamamagitan ng mga dalangin nina San Pedro at San Pablo Apostol, sa tulong ng mga Arkanghel Miguel, Gabriel at Rafael, ni San Jose, San Nicolas, Santo Domingo, at nina NN. (mga santong patron), sa pagsasanggalan ng lahat ng mga Anghel at Banal sa kalangitan, at sa makapangyarihang at pinakabanal na Ngalan ni † Hesu-Kristong, Panginoon at Diyos, ang Siyang kilabot ng impyerno at lahat ng masasamang espiritu. Amen.