7. Closing of the Occult Third Eye

Namumuno:
Amang nasa langit, sa Ngalan ng Iyong Anak, si Hesu-Kristong Panginoon ko at Diyos ko, ay palayasin Mo si Satanas at ang lahat ng kaniyang mga gawa, kaisipan at panlilinlang.

|Palayasin Mo ang mga gawa ng pangkukulam, ang paggamit ng mga pamamaraan ng dibinasyon, ang paggamit ng okultong 3rd eye at ng evil eye, ang pagsangguni sa mga kapangyarihang ito, ang pagsangguni sa mga mediums at espiritistas, ang pagpapatingin sa mga albularyong may taglay na kapangyarihang magpagaling mula sa kadiliman, ang pagsangguni sa at paggamit ng Ouija boards, tarot cards at baraha at kung anu-ano pang kagamitan upang magbasa ng nakaraan, pangkasalukuyan o ng hinaharap, ang pagsangguni sa astrolohiya, oroskopyo, numerolohiya, pagsangguni sa pagbabasa ng guhit ng palad, ng mga dahon ng tsa-a o ng tawas, ang lahat ng paniniwala sa mga pamahiin, ang lahat ng pakikipag-usap sa mga kaluluwa ng yumao, ang pakikilahok at paniniwala sa mga gawain ng okultismo at esoterismo at mga gawaing may pagtatangkilik sa gawang masama o tahasang kaugnay si Satanas, alam man ito o sanhi ng kamangmangan ng biktimang ito na si N., palayasin Mo, Ama, ang lahat ng ito, sa Ngalan ng Panginoong Hesu-Kristo, na nagkatawang-tao. At sa kapangyarihan ng Kaniyang Krus, ng Kaniyang Dugo at Muling Pagkabuhay, kalagan Mo ang lahat ng pagkakagapos nito kay N. | (3x)

Ipawalang-bisa Mo, O Ama, ang lahat ng mga masasamang epekto ng mga kasalanang ito sa Iyong harapan. Nagsusumamo kami sa Iyong kapatawaran upang Iyong linisan ang taong ito na si N., na iyong lingkod. Ipinahahayag niya nang maringal sa kaniyang mga labi at puso na si Hesu-Kristo lamang ang nag-iisang Anak ng Diyos. Nagsusumamo siya sa Iyo, Panginoong Hesu-Kristo, na pumasok Ka at manahan sa puso niyang aba, at likhain Mo siyang muli ayon sa Iyong nag-iisang sadya para sa kaniya at sa kaniyang makalangit na buhay.

Nagsusumamo kaming ipadala Mo kay N. ang Iyong Espiritu Santo upang papag-baguhin siya ng Kaniyang biyayang nagbibigay buhay at nagpapabanal, tulad nang paghinga Mo ng Espiritu sa mga Apostoles nang Ika’y muling nabuhay, at nang pagtatatak at pagpapaibayong lakas sa kanila noong araw ng Pentekostes.

Salamat po, Makapangyarihang Ama, ayon sa kaluguran ng Inyong kaluwalhatian, sa paglilinis at pagpapalakas ng kalooban, sa kapangyarihan ng Iyong Espiritu, upang manahan sa puso ni N. si Hesu-Kristo, ang Iyong Anak.

Sa pamamagitan ng pananampalataya, nakaugat at nakasandig sa pag-ibig, nawa ay maunawaan ni N., sa tulong ng mga Banal sa kalangitan, ang lawak, haba, taas at lalim ng Pag-ibig ni Kristo, na higit pa sa lahat ng karunungan, sa pamamagitan na rin Niya, si Hesu-Kristong aming Panginoon. Amen.